Monday, August 26, 2013

Ang Ilog ng Topland

Noong unang panahon sa Barangay Topland, may isang dalaga na nagngangnalang Taflan. Siya ay ubod ng kariktan at kayumihan. Bagama’t wala na siyang mga magulang, tanyag sa lahat ng mga tao sa barangay ang kanyang pagkahilig sa kanyang alagang ibon na tuhaw na tangi niyang kasama sa buhay.

Isang araw, isang makisig at matipunong mangangaso na si Unggu ang nagpahayag ng pag-ibig kay Taflan. Hinandugan siya nito ng isang salakot ng ginto bilang alay at pinagsilbihan siya nito ng buong tapat. Hindi naglaon ay nahulog na rin ang loob ni Taflan kay Unggu. Naging usap-usapan sa buong barangay ang kasiyahang nadama ni Taflan nang alukin siya ni Unggu na makipag-isang dibdib.

Isang kabilugan ng buwan bago ang nakatakdang kasal nina Taflan at Unggu, isang pangyayari ang gumulat sa mga tao dahil nasawi si Unggu. Nakagat siya ng kagwason, isang malaki at makamandag na ahas na nakatira sa  talon kung saan siya napadaan mula sa pangangaso sa kagubatan. Lubos ang hinanagpis na nadama ni Taflan sa kanyang puso at tila walang kapaguran siyang tumakbo ng tumakbo patungo sa malayong kabundukan.

Lumipas ang mga araw, hindi bumalik si Taflan. Nalungkot ang mga tao ng barangay kaya nagpasiya silang hanapin si Taflan sa kabundukan. Habang nasa gitna ng masukal na kagubatan, nakadama ang mga tao ng haplos ng hanging malamig dulot ng bagwis ng pakpak ng ibong tuhaw. Paikot-ikot itong lumilipad sa kagubatan na tila ba nagbabantay. Ginalugad nila ang buong kagubatan subalit umuwi sila nang hindi nakita si Taflan.

Kinabukasan ng umaga, ikinagulat ng mga tao na may dumdaloy na sapa sa gitna ng barangay mula sa kabundukan. Hinahati nito ang barangay sa dalawa. Nagsimulang magtayo ang mga tao ng tulay upang makatawid mula sa magkabilang panig. Isang malaking palaisipan sa kanila kung paano nagkaroon ng tubig sapagkat hindi naman panahon ng tag-ulan.

Isang malamig na gabi, narinig ng mga tao ang huni ng ibong tuhaw na tila ba nagdadalamhati at umiiyak. “Tuhaw… tuhaw… tuhaw…”.  Pabalik-balik ang huni ng ibong tuhaw na tila ba nanggigising sa mga tao mula sa mahimbing nilang pagkakatulog.

Naging balita na lamang ng sumunod na umaga nang isang mama ang binawian ng buhay mula sa kaliwang bahagi ng barangay sanhi ng aksidente. Lumipas ang isang linggo ay namatay naman ang isa pang bata galing sa kanang bahagi ng barangay dahil sa karamdaman. Hindi pa naililibing ay sinundan na naman ito ng bagong kamatayan ng isa pang binata buhat sa kaliwang bahagi ng barangay dahil sa krimen. Nagapasalit-salit ang kamatayan mula sa dalawang bahagi ng barangay na hinahati ng ilog na tila ba isang sumpa na walang pinipiling buhay at dahilan.

Hindi lubos mawari ng mga tao kung bakit sunod-sunod ang kamatayan na dinaranas nila mula nang umagos ang ilog sa gitna ng kanilang lugar. Habang nagdadalamhati ang buong barangay, isang magkasintahan ang magalak na nagpakasal. Ang kalungkutan ng mga tao ay naibsan simula nang may ikinasal sapagkat kasabay ng pag-iisang dibdib ng isang magkasintahan ay parang tumigil din ang sunod-sunod na kamatayan sa kanilang pook.

Natanto ng mga tao na ang ilog ay ang mga luha ni Taflan mula sa kabundukan kung saan siya patuloy na tumatangis. Dala ng pag-agos nito ay ang pagdadalamhati ng lugar dulot ng sunod-sunod na pagkamatay ng mga tao. Kasal ang naging kasagutan upang maputol ang tila sumpa ng kamatayan na taglay ng ilog. Naalala ng mga tao bago nawala si Taflan na pinakaasam-asam nito ang makasal sa kanyang nag-iisang iniibig sa puso.

Hanggang sa kasalukuyan, isang malaking misteryo sa mga tao ang Ilog ng Topland na humahati sa gitna ng barangay at takot ang mga tao kapag naririnig na naman nila ang paghuni ng ibong tuhaw sapagkat dala nito ang sumpa ng sunod-sunod at salit-salit na kamatayan na napuputol lamang kapag may kinakasal.

###

*A workshop output. View related story here.


No comments:

Post a Comment

Has this article been interesting, informative or inspiring? I want to know what's going on your side. Please leave your comments. Thank you.